Followers

Tuesday, December 25, 2012

Ang Basurahan sa Fuente Dolor

Sa isang partikular na lugar sa bansa ng Espanya, nakahimlay ang isang bayan, simple at payak ngunit sagana sa mga biyaya ng kalikasan. Sa isang parte ng baryo ay mamamataan ang isang basurahan, simple at hindi napapansin. Marahil sa inyong palagay ay isa lamang itong ordinaryong basurahan na katulad ng ilang milyong basurahan sa mundo na marumi at mabaho ngunit sa likod ng basurahan na ito ay isang istorya ng matamis at wagas na pagmamahalan ng dalawang magkasintahang lubos na nagiibigan.

Isang umaga, Hoy! Esteban! Maglinis ka nga diyan sa labas! Utos ni Aling Marta ang nanay ni Esteban at ang namumuno sa bayan.

"Opo Inay" ang tugon naman ni Esteban.

Lumabas ng bahay si Esteban at pumunta sa may puno ng mangga. Habang naglilinis, ay may namataan siyang isang babaeng paikot-ikot at mukhang hindi mapakali. Agad niya itong nilapitan.

"Magandang umaga magandang binibini" ang bati ni Esteban sa babae.

"Magandang umaga din" ang tugon ng babaeng hindi man lamang lumingon sa kaniya.

"Maaari kong bang malaman kung bakit ka balisa at hindi mapakali? Baka ako'y makatulong sa iyong problema." Nagaalalang sambit ni Esteban.

"Maraming salamat mabuting ginoo. Mangyari'y nawawala ang aking kuwintas habang ako'y naglalakad malapit dito, nais ko sanang matagpuan muli iyon." Ang sabi ng binibini.

"Buweno, ako'y tutulong sa paghahanap ng nawawala mong kuwintas." Ang maginoong sagot ni Esteban.

Sabay nilang hinanap ang kuwintas at nang makaraan ang ilang sandali, nakita ni Esteban katabi ng basurahan sa ilalim ng puno ng mangga ang isang kumikislap na bagay. Agad niya itong nilapitan at nang anyong kukunin niya ang kuwintas ay saktong kukunin na din ito ng binibini at hindi sinasadyang lumapat ang kamay nila sa isa't-isa. Nagkatitigan ang dalawa, "Ako nga pala si Esteban, maaari ko bang malaman ang pangalan ng napakagandang binibining aking kaharap ngayon?" ang tanong ni Esteban.

"Napakatamis ng mga salitang lumabas sa iyong mga mapanlinlang na labi", pangising sinabi ng binibini. "Ako si Estrella" ang sabi ng binibini.

"Estrella? Hmm? Tamang-tama sa iyo, kasing ganda ng mga mata mo ang mga bituin sa kalangitan" Pabolang sinabi ni Esteban.

"Ngunit ngayon ay umaga at walang mga bituin" pataliwas na tugon ni Estrella "Marahil ay wala kang nakikitang bituin ngunit ako ay meron." Sabi ni Esteban.
"Talaga? Maaari mo bang ituro sa akin?" Tanong ni Estrella habang namumula ang kanyang mga pisngi.

"Hayun!" sabay turo sa itaas, "Alam mo ba na ayon sa mga iskolar, ang araw daw ay isang bituin?" Biglang tumawa si Estrella, "Naku isa ka rin palang pilosopo at matalinong tao, akala ko'y puro pambobola ang lumalabas sa iyong mga labi. Parang napahiyang sagot ni Estrella sa pagaakalang siya ang ituturo ng lalaki.

Dito, sa tapat ng basurahan na ito, unang nagkakilala sina Esteban at Estrella sa ilalim ng puno ng mangga at maaliwalas na panahon.

Kinabukasan, "Inay ako po ay aalis muna sa bahay." Ang pagpapaalam ni Esteban. "At saan ka naman pupunta?" tanong ni Aling Marta.

"Diyan lamang sa tabi-tabi maglalakad at lalanghap ng sariwang hangin." Ang sagot ni Esteban

"Buweno, mag-iingat ka ha at huwag kang magpapagabi. Bali-balitang mayroon daw aswang na gumagala sa mga karatig bayan. Alam mo naman na diyan namatay ang ama mo hindi ba?" ang pababalang sabi ni Aling Marta

"Opo, inay, ang tanging naisagot ni Esteban.

Nagtagpo sina Esteban at Estrella sa puno ng mangga.

"Nais ko sanang magpasalamat doon sa pagtulong mo sa akin kahapon. Heto, ipinaghanda kita ng tanghalian." Ang masayang pasasalamat ni Estrella.

"Maraming salamat, ngunit ginawa ko lang naman ang dapat gawin ng isang hamak na ginoong tulad ko." Ang sagot ni Esteban.

Sabay silang kumain sa ilalim ng puno ng mangga.

"Narinig mo na ba ang mga bali-balita?" tanong ni Esteban kay Estrella

"Anong balita? Alam naman nating napakaraming nagaganap sa bawat araw". Ang tugon ni Estrella.

"Mayroon daw gumagalang aswang sa mga karatig bayan. Nais ko lamang ipaalam ito sayo upang magingat ka kung totoo man ito para hindi ka makain tulad nito, sabay kiliti at gulat kay Estrella. "Tama na nga yan", habang tumatawa si Estrella sa mga kiliti ni Esteban.

"Hindi naman ako naniniwala sa mga ganyang bagay, ito'y kathang isip lang at ginagawang dahilan ng mga tao kung may mga patayang nagaganap." Paliwanag ni Estrella. Sumapit ang hapon at nagpaalam na sila sa isa't-isa.

Pagkauwi sa bahay,

"Magandang gabi po inay", bati ni Esteban habang nagmamano.

"Naku grabe na talaga ang mga nangyayari, kanina'y nagpulong ang bayan at napag-alaman namin na siyam na katao na ang nawawala sa ibat-ibang lugar kabilang na si Mang Ando ng bayan natin. Dapat ay maging handa ang bayan natin kung saka-sakaling maghasik muli ng lagim ang aswang." Pasalaysay na sabi ni Aling Marta.

"Nakasisiguro ba kayong isa nga iyong aswang? Baka gawa-gawa lamang ito ng mga taong tsismoso at nagkakalat ng maling balita" tugon ni Esteban.

"O siya, itigil na natin ito at tayo nang kumain. Nagluto ako ng tinolang manok para sa ating hapunan, nagbigay kasi si Trinidad ng isang kilong manok sa atin" Sabi ni Aling Marta. Pagkatapos kumain ay natulog na ang mag-ina.

Lumipas ang mga araw at laging nagtatagpo sina Esteban at Estrella sa ilalim ng puno ng mangga.

Isang pagkakataon,

"Kelan mo ba ako sasagutin?" Tanong ni Esteban. "Ano ka ba? Isang linggo pa lamang tayong magkakilala ay nanliligaw ka na agad." Sagot ni Estrella.

"Aba, anong magagawa ko? Sadyang napakalakas ng aking puso kesa aking isip, marahil ay ilang linggo pa lamang tayong magkakilala ngunit para sa akin ay ilang taon na iyon at ito na ang tamang panahon upang dalhin natin ang ating relasyon sa mas mataas na kaaanyuan. Tayo naman ay nasa sapat na edad na hindi ba? ang patuloy na pagkumbinsi ni Esteban.

"Hindi iyon ang kaso, siguradong hindi ako papayagan ng aking mga magulang, hindi mo alam kung ano ang kaya nilang gawin." Babala ni Estrella.

"Kahit ano pa man ang gawin nila sakin papayag ako mapasakin ka lang. Hahamakin ko ang lahat maging sarili kong kamatayan." Patalinhagang sabi ni Esteban.
"Naku sadyang napakabolero mo." Sabi ni Estrella.

"Aanhin ko ang mga salitang ito kung hindi ko naman matatamo ang matamis mong Oo." Malungkot na sabi ni Esteban.

"Wag ka nang malungkot, darating din ang tamang oras para sa atin." Sabi ni Estrella sabay yakap sa lalaki.

Balitang balita na sa buong bayan hindi lamang ang tungkol sa aswang kundi pati na din ang di-umano'y lihim na pag-iibigan ni Esteban at Estrella.

Sa bahay ni Esteban, "Aba Esteban, ano itong nababalitaan kong mayroon ka na daw kasintahan?" tanong ni Aling Marta.

"Wala po iyon inay, hindi pa po niya ako sinasagot eh." Malungkot na sagot ni Esteban.

"Naku wala kang mapapala sa mga ganyang bagay sinasabi ko sa iyo, mabuti pa na ituon mo na lang ang atensiyon mo sa iyong pagaaral.." Payo ni Aling Marta

"Marahil ay tama kayo, ngunit sa oras na tamaan tayo ng pana ni kupido ay mahirap nang makawala sa napakahigpit na gapos ng pag-ibig" sambit ni Esteban.

Linggo ng umaga, nagpunta si Esteban sa may puno ng mangga. Nakita niya na wala pa dito si Estrella kaya minabuti niyang ihanda muna ang binili niyang pagkain upang pagsaluhan nila. Lumipas ang isang oras, "Bakit kaya wala pa si Estrella? Usapan namin ay umaga. Tanong ni Esteban sa sarili. "Marahil ay nagsimba siya" pilit na pinapaniwala ni Esteban ang sarili

Ala- sais na ng hapon at hindi pa din dumadating si Estrella. Hindi na nakain ang pagkaing dapat sana'y almusal nila at tuluyan ng nabulok sa isang tabi. Minabuti na lamang ni Esteban na umuwi sa bahay.

Kinabukasan, hindi ulit dumating si Estrella kaya napagpasyahan niyang puntahan ito sa kanilang bahay. Dahil hindi niya alam kung saan ito nakatira ay nagtanong-tanong siya sa mga tao kung mayroong nakakaalam ng kanilang tirahan nila ngunit ni-isa ay walang may alam. Patuloy siyang naglakad sa kawalan hanggang sa mapadpad sa isang mansiyon na mistulang isang sementeryo sapagkat matagal ng walang nakatira dito.

Nakita niya si Estrella dito na nakadungaw sa bintana at nakatingin sa malayo at nang makita din siya ni Estrella ay dali-dali itong pumasok sa loob ng bahay. Hinabol siya ni Esteban at pumasok dun sa mansiyon nang walang pahintulot. Kumatok siya sa pinto ngunit isang sigaw ang sumagot sa kaniya.

"Umalis ka na dito, ayaw na kitang makitang muli." Sabi ni Estrella.

"Hindi ako aalis dito hangga't hindi tayo naguusap". Ang sabi naman ni Esteban.

Umulan ng malakas na may kahalong kidlat at kulog kaya't hindi natiis ni Estrella ang lalaki at sa huli ay pinapasok niya din ito sa bahay.

"Bakit hindi ka nagpapakita sakin?" tanong ni Esteban.

"Pinagbawalan ako ng aking mga magulang hindi daw tayo nararapat sa isa't-isa. Pinagkasundo na nila ako sa ibang lalaki." Pa-iyak na sabi ng dalaga at sabay yakap sa lalaki.

"Nasaan ang mga magulang mo? Ipaglalaban ko ang ating pag-ibig." Ang matapang na sagot ni Esteban.

"Naku huwag na, ang nanay ko ay may sakit at nasa itaas, ang tatay ko naman ay wala dito dahil may trabahong kailangang asikasuhin." Paliwanag ni Estrella.

"Mahal mo ba ako?" ang tanong ni Esteban. "Mahal na mahal na hindi ko kayang mabuhay kung wala ka sa aking tabi." Ang diretsong sagot ni Estrella Kung gayon ay lihim nating itatago ang ating relasyon at kapag dumating na ang takdang oras ay itatakas kita mula sa bayang ito." Ang paliwanag ni Esteban. Hindi na nakasagot si Estrella.

Tumila na ang ulan, nagpasya ang dalawa na pumunta sa puno ng mangga upang masdan ang mga bituin sa kalangitan

Samantala, sa bahay ni Esteban,

"Naku nasan na kaya ang aking anak? Mag-aalasonse na ng gabi'y wala pa siya" Nag-aalalang pagkasabi ni Aling Marta sa sarili. "Hindi kaya nakuha na siya ng aswang?" Pinagpapawisan na si Aling Marta. Hindi na niya natiis at pinulong niya ang taong bayan, dala ang mga itak at kung ano-ano pang matutnlis na bagay ay lumibot sila sa buong bayan upang hanapin ang anak.

Samantala, masayang nagkukulitan ang magkasintahan sa ilalim ng puno ng mangga nang biglang makarinig sila ng ingay na papalapit sa kanila. Bigla silang naalarma at bago pa man nila napansin ay napapalibutan na sila.

"Naku eh kasama lang pala ni Esteban ang kaniyang kasintahan, nakaistorbo pa tuloy tayo", sambit ng isang tao sa pulong.

Biglang sumigaw si Aling Marta. "Layuan mo ang anak ko maruming nilalang!" Naguluhan ang lahat sa mga pangyayari at ipinaliwanag ni Aling Marta ang lahat.

"Nakikita niyo ba ang kuwintas na suot ng babaeng iyan? lyan ang kuwintas ng yumao kong asawa nang gabing walang awa siyang pinaslang ng aswang!" nanginginig na sambit m Aling Marta.

"Nang marinig ito ng mga tao ay agad na nagbago ang kanilang asta at parang naging mga hayop sa tindi ng kanilang asal. Bago pa man makapagpaliwanag ay kinuyog na sila ng mga tao at si Esteban ay naitulak sa isang tabi habang narinig niya ang mga salitang "Basura! Kailangang puksain ang mga basura sa lipunan! Bago siya nawalan ng malay.

Nang maalimpungatan siya ay nakita niyang nakahimlay ang kanyang kasintahan sa may basurahan, nanghihina at mamamatay na, wala na ang mga tao, unti unti nang tahimik ang lahat, sila na lamang dalawa at ang nanay ni Esteban ang natira.

Nanlulumo naman ang itsura ng kanyang ina at mistulang parang baliw nang mapagtanto na ang kuwintas na suot ng babae ay hindi ang kuwintas na pagmamay-ari ng asawa niya.
Lumapit si Esteban sa kasintahan at umiyak, isinigaw niya ang kanyang galit, sa taong bayan, sa ina, at sa tadhanang naging malupit sa kanilang pagsasamahan.

"Kayo ang mga basura! Mga taong hindi marunong magpatawad. Mga taong mapanghusga at mapusok sa kanilang mga gawain. Mga taong hindi muna nag-iisip, mga taong makasarili at walang paki-alam sa ibang tao. Tama nga sila, ang bayang ito ay nabubulok na."

Niyakap ni Esteban si Estrella sa kaniyang bisig habang nakatingin sa mga bituin sa langit ang kaniyang mga matang kasing ningning ng mga bituin na ngayon ay unti-unti nang nawawalan ng buhay.

Dito sa basurahang ito ng Fuente Dolor nagsimula at nagtapos ang pag-iibigan ng dalawang taong hindi dapat para sa isa't-isa ngunit patuloy na lumaban sa kanilang tadhana.